Minsan, nag-asam ako ng kaligayahan. Hindi ko ito nakuha… Pero… nagawa ko naman itong ibigay sa iba… At iyon ang nagbigay sa ‘kin ng konting kaligayahan… Isang ngiti galing sa pinakamamahal ko…
Ikaw ay isa sa mga bagong proklamang pari, hindi ba? Ilang taon ka nga ulit sa seminaryo? Ah sampu. Ako rin, sampung taong namuhay ng tahimik, malayo sa urbanisasyon… malayo sa gulo ng bansa… malayo sa mahal sa buhay… At ngayon, labinlimang taon na rin ang lumipas mula noong iproklama akong pari. Marami na akong napuntahan, pinagdaanan at nakita. Sampung taon ng paghahanda. Labinlimang taon ng paglilingkod. Buong buhay ng kasinungalingan at hinagpis…
Hay. Sinong mag-aakalang magkikita pa tayo rito sa Santisimo Rosario? Dito ka rin ba pumasok bilang seminarista? Dito ako pumasok at nagtapos. Dito rin ako unang nag-misa. Dapat nga may ikakasal ako diyan eh. Ang kaso, hindi natuloy dahil tumakbo ‘yung babae palabas ng simbahan.
Ano kamo? Sino? Hindi mo ba siya kilala? Marahil ay nasa loob ka pa kasi ng seminaryo noong mangyari iyon. Nanggaling siya sa mayamang pamilya. Ang ama niya’y alkalde ng Maynila nang ipanganak siya habang ang kanyang ina nama’y artista noong dekada saistenta. Namana niya ang ganda ng kanyang ina at ang talino ng kanyang ama. Siya ay tila isang perpektong nilalang subalit namumuhay sa isang imperpektong buhay… imperpektong daigdig…
Ang lalaki naman na dapat sana’y ikakasal sa kanya ay dati na niyang kaibigan at kaklase noong high school. Pareho silang Abogasya ang tinapos na karera. Isang taon matapos silang mag-aral, nakapasa na sila ng Bar exam. At nung araw nga na iyon, labinlimang taon na ang nakakaraan, naganap nga ang isang makasaysayang pangyayari dito sa simbahang ito…
Halika mamasyal tayo… nakikita mo ba ang estatuwang iyan? Iyan si Miguel de Benavides. Alam mo bang ang kanyang pera ang ginamit sa pagpapatayo ng unibersidad na ito noong ito’y nasa Intramuros pa lang? Siya ang nangarap na balang araw ay may itatayong unibersidad gaya nito. Iyon nga lang, di na niya nasaksihan ang pagpapatayo nito…
Ano? Gusto mong malaman ang buong istorya nilang dalawa? Bakit ba napakainteresado ka sa kanila? O sige. Pero ikukuwento ko muna sa iyo kung ano ang nangyari noong nasa high school pa lang sila… noong nasa high school pa lang kami… Oo… ‘di ko pala nabanggit sa ‘yo. Magkakabarkada kaming tatlo. Sa katunayan, kambal kong kapatid ang lalaking iniwan ng babaeng iyon… Marami na kaming pinagdaanan… Marami nang pangyayaring halos wasakin ang relasyon naming tatlo…
Unang araw no’n ng klase. Magkasama kami ni Neeyo no’n. Bago kami pumasok ng Benavides High School Building, nakita namin ang isang maliit na dalagita na napapalibutan ng mga kalalakihan at pinagtatawanan. Nakipag-batuhan kami ng mga maaanghang na salita sa mga bruskong iyon para ipagtanggol iyong dalagita. Naangasan ata sa ‘min kaya sinubukan nilang suntokin kami. Buti na lang, marunong kaming mag-arnis kung kaya’t ‘yung aming mga payong ay pinanghampas namin sa kanila. Takbuhan agad sila patungong Dapitan. Hay. Nakakatawa talaga. Kung nakita mo lang sana ang mga mukha nila.
Sige, maupo ka lang diyan. Nakakapagod ha… ang init pa… Iyang si Benavides ang dating arsobispo ng Maynila. At ang rebultong iyan ay galing pa ng Paris. Tingnan mo… niluma na siya ng panahon…
Nakilala namin ang babaeng iyon sa pangalang Ria. Isa siyang dalagitang kinukutya dahil sa mga makakapal na salamin, mga bakal sa ngipin, kaliitan at ang kanyang buhok na buhaghag at laging nakapusod. Oo, ‘di siya maganda noon. Ngunit para sa ‘kin, hindi lang naman doon nasusukat ang kagandahan. Magmula no’n ay naging matalik kaming magkakaibigan.
Sa kabila ng ganoong hitsura ni Ria, hinangaan ko siya dahil sa kanyang husay sa pakikipagdebate at pag-arte. Madalas siyang sumasali sa mga tanghalan at debate contests. Noong ikalawang taon, inamin ko sa kanyang hinahangaan ko siya ‘di tulad nang sa iba naming kaklase. Sinabi ko sa kanyang mahal ko siya at handa akong ibuwis ang aking buhay upang ipagtanggol siya. Naging magkasintahan kami magmula no’n. Nang tumapak kami sa ikatlong taon, ang pinaka hindi ko makakalimutang pangyayari ay nung sumali kami sa isang singing contest…
Gabi nang ginanap ang contest diyan sa grandstand. Habang naghihintay kaming tawagin, sinabi ko sa kanyang kinakabahan ako. Niyakap niya ako’t nagsabing “Nandito ako… aalalayan kita. Magtiwala ka sa sarili mo.” ‘Di nagtagal ay tinawag na ang pangalan namin at humarap kami sa daan-daang taong nanunuod…
Ikaw lamang ang aking iibigin, magpakailanman
Ang pag-ibig ko sa ‘yo ay tunay
Nais ko sanang patunayan
Huwag ka nang mag-alinlangan
Ang pag-ibig ko’y hindi kukupas
Tulad din ng umagang may pag-asa sumisikat
Ang aking buhay maikli aking hirang
Kung kaya’t kailangan ng pagsuyong wagas kailanman
Ang sumpa ko sa iyo’y asahan
Ikaw lamang ang aking iibigin magpakailanman
Ang aking buhay maikli aking hirang
Kung kaya’t kailangan ng pagsuyong wagas kailanman
Ang sumpa ko sa iyo’y asahan
Ikaw lamang ang aking iibigin magpakailanman
Hindi ko alam kung paano pero habang kumakanta kami, napakagaan ng pakiramdam ko at tila hindi natatapos ang kanta. Nawala lahat ng kaba, takot at agam-agam sa aking sarili… siya lang at wala nang iba ang aking nakikita at naririnig… naniniwala akong hindi lang kami ang kumakanta no’n, kundi maging ang aming mga puso’t kaluluwa…
Nanalo kami… hanggang ngayon nga nasa akin pa ang medalyang nakuha namin…
Nang matapos ang taon, umalis siya patungong Amerika para magbakasiyon. Noong mga panahong iyon, abala ako sa pag-aasikaso para sa kolehiyo. Hindi ko ninais pang lumipat ng eskuwelahan kaya naman dito na ko kumuha ng form. At saka dahil dito na kami nag-aral ng high school at mataas naman ang mga grades namin, exempted na kaming tatlo sa USTET. Noon, balak ko sanang maging civil engineer pero ‘di ko naman pinagsisisihan ang ginawa kong paglipat. Kung nagsisi man ako sa loob ng seminaryo, marahil ay sa ibang bagay iyon.
Tara, lumakad na tayo… Alam mo bang ang parkeng ito’y napakamakasaysayan? Pumapasok sa arkong iyan at naglalakad dito hanggang grandstand ang mga freshmen kada taon. Habang lumalabas naman ang mga gagraduate. Ang arkong iyan ay ang dating pintuan ng nasirang gusali ng UST sa Intramuros. Sa katunayan, iyang humaharap sa España ay isang replica lamang. Napakamakasaysayan ng pintuang iyan… Ilang siglo na ang lumipas ngunit naririto pa rin ang orihinal sa harapan natin… Nakatayo ng may buong pagmamalaki…
Nang magbalik si Ria galing Amerika, labis na nag-iba ang kanyang hitsura. Wala na siyang mga salamin at mga bakal sa ngipin. Napakapino na ng kanyang buhok at mas pumuti ang kanyang kutis. Ibang-iba na siya kaysa dati. Subalit hindi pa rin nabago ang kanyang ugali. Siya pa rin ang Ria na labis kong minahal sa unang pagkakataon.
Political Science ang kinuha nila ni Neeyo. Ako naman, Civil Engineering…
Kahit na nagpatuloy ang relasyon namin, humarap naman ito sa isang matinding pagsubok…
Niligawan siya ng kakambal kong kapatid nang ‘di ko nalalaman. Pinagtaksilan nila ako… At dahil dito’y labis akong nasaktan na hindi ko masikmurang tumingin sa kanila. Huli na ng malaman kong ang dahilan pala ng pagkakaroon nila ng relasyon ay dahil may dinadalang bata si Ria.
Kung iisipin mong mabuti, minahal ni Neeyo si Ria dahil maganda, popular at mayaman siya. Habang minahal ko ang babaeng iyon kahit na ‘di siya kagandahan. Nirespeto ko siya’t pinag-ukulan ng pansin. Minahal ko siya nang higit sa kakayahan ng aking kapatid. Pero bakit siya pa rin ang pinili niya? Bakit hindi siya naging tapat sa akin?
Labis akong nasaktan… Iniwan ko si Ria ng walang pasabi… Ganun din naman ang ginawa niya sa akin… Iniwan niya ‘ko ng walang pasabi… Hindi ko na tinuloy ang pag-eenhinyero. Sa halip ay kinulong ko ang aking sarili at lumayo sa gulong hatid ng mundo sa labas. Pumasok ako ng seminaryo at inalay ang aking buhay sa Kanya.
Iyang nakikita mo ay ang Roque Ruaño Building. Nasa loob niyan ang Faculty of Engineering. Lahat ng nakikita mo sa labas niyan ay tinatawag na Engineering Complex. Iyang covered court na iyan, itong football field at iyang playground sa malayo… parte iyang lahat ng Engineering Complex… Si Roque Ruaño ay isang paring Dominiko na naging Dean noon ng Engineering. Kung pinagpatuloy ko siguro ang pag-eenhinyero, isa ako sa mga estudyanteng iyan…
Nang lumipas ang sampung taon, inordina ako bilang pari at isang taon pagkatapos ay nagmisa ako sa kauna-unahang pagkakataon habang may dalawang tao sa aking harapan na naghihintay ng aking basbas. Dalawang taong naging parte ng aking buhay… Hindi ako nag-alinlangan na magkasal sa kanila nang malaman ko iyon. Ilang buwan bago ang kasalan, tinanggap ko kaagad ang imbitasyon. Alam kong buhay pa rin sa aking puso ang nakaraan. Nakahimlay pa rin sa aking isipan ang mga pangyayari noon. Subalit alam ko na wala na ang anumang galit, selos o lungkot na aking naramdaman. Hinilom na ito ng panahon… Wala na… Ito na’y mga pinong abong inihip ng hangin…
Nang muli kaming magkita matapos ang ilang taon sa isang meeting para sa nalalapit nilang kasal, kitang-kita sa akin na labis akong natutuwa. Nang makita ko ang mga mata niya… Tila ito nangungusap sa akin ngunit hindi ko naman malaman ang nais nitong banggitin. Marami siyang nais sabihin at linawin sa akin ngunit hindi niya magawa dahil isa siyang bilanggo sa puso ni Neeyo. Alam ko noon pa lang na hindi niya kahit kailan minahal ang kapatid ko. Obligado lang siyang pakasalan si Neeyo dahil sa may anak sila.
Nang umalis sandali si Neeyo, nagmamadali akong sabihin kay Ria na magkita kami sa Plaza Mayor kinabukasan. Agad siyang sumang-ayon. Marahil ay iyon din ang gusto niyang sabihin. Nakita ko sa kanyang mga mata ang mga luhang nais kumawala. Nakita ko sa kanyang katawan ang isang nanghihinang Ria. Pilit niyang tinatago sa kanyang damit ang kanyang mga pasa at sugat. Nanlumo ako sa aking nakita. Naawa ako sa kanya dahil sa kanyang pinagdaanan. Nagsisi ako… Sana pala, hinarang ko na lang ang kanilang relasyon, inangkin ang batang hindi naman nanggaling sa akin at pinakasalan siya. Sana, hindi nangyari ang mga bagay na iyon mahigit isang dekada na ang nakakalipas… sana hindi siya naghirap… sana hindi siya nagtiis… sana hindi ako nagpakaduwag…
Miss, dalawang Famous Bowl, dalawang large fries at large Pepsi… Ah dalawa rin…. Uh… ano? Meal size na… pareho… Sige umakyat ka na, ako na rito… Ang daming “dapat”… Ang daming “sana”… Ria… Ria… Bakit ka nagpaloko? Bakit hindi ako?
…
…
Matagal ba? Ganun talaga … Ito ang Carpark. 2-storey parking lot at 2-storey fastfood chains. Isa ito sa mga dahilan kung bakit naging public place ang UST. Ang building na ito ay para din sa College of Accountancy.
Tinatanong mo kung nagkita nga kami? Oo… Tumupad siya sa usapan… Nagkita kami sa Plaza Mayor. Doon, muli kong nakita ang dating Ria. Walang kinatatakutan, walang pinag-aalinlangan… Oo, muli kaming nagkita… Niyakap ko siya ng napakahigpit at hindi ko namamalayan na umagos sa aming mga mata ang mga luhang sampung taon mahigit naming pinigilan… Nagkamali ako… ang akala kong patay na ay buhay na buhay pa rin pala…
“Arizton… gusto kong malaman mo na kahit kailan, hindi ko siya minahal. At kahit kailan, hindi ko siya magagawang ibigin dahil ikaw lang ang nag-iisang naninirahan sa puso ko. Hindi ko gusto ang mga nangyari sa ‘min… Arizton, maniwala ka… hinubaran niya ako ng puri’t dignidad…ginahasa ako ng kakambal mo…”
Matagal na ‘yon Ria, wala na akong magagawa pa. ‘Di na natin maaari pang ibalik ang nakaraan at baguhin ito… Ang nangyari na’y nangyari na… Gusto kong malaman mo Ria na kahit na anong pilit kong paglayo sa’yo, hindi pa rin ako makatakas sa ‘ting nakaraan. Palagi pa rin kitang naaalala, napapanaginipan, naiisip… Patuloy pa rin kitang inibig sa kabila ng lahat.
“Ayoko talagang pakasalan siya. Pinilit lang kami ng aming mga magulang dahil sa may anak kami. Ikaw talaga ang gusto kong pakasalan… Kung hindi ka lang sana nagpari, hinanap na kita noon pa at pinaliwanag ang lahat… Kung maibabalik ko lang sana…”
“Ria…Ria…”
Muli ko siyang niyakap na tila wala nang bukas… Naglaro sa ‘king isipan ang mga salitang nais kong sabihin ngunit iba ang lumabas sa ‘king bibig…
“Ria, mahal na mahal kita pero…”
“Ano ‘yun Riz? Pero ano?”
“Hindi ito tama”
Tumayo ako’t lumayo sa kanya…. Tama ba ‘tong ginagawa ko? Iyon ang naisip ko… Tama ba?
“Sa mga susunod na araw, babasbasan ko na kayo bilang mag-asawa. Kahit na labag sa kalooban ko, kailangang gawin ko iyon pagkat iyon ang tama… Iyon ang nararapat…”
Sinampal niya ako na labis kong ikinagulat… Naisip ko…dapat lang sa ‘kin iyon nang magising ako sa katotohanan.
“Hindi mo ba naiintindihan! Ikaw ang mahal ko! Handa akong iwanan ang hayop na iyon alang-alang sa iyo! Riz….”
“Ako din Ria… Pero mali! Nagmamahalan tayo, Oo! Pero pari ako… may pamilya ka na… Labag sa utos ng Diyos at labag sa batas ang gagawin natin…”
“Riz! Ayoko nang mawalay pa sa iyo! Akin ka lang Riz… At sa ‘yo lang ako… Ikaw lang ang iibigin ko… magpakailanman…”
“Ria…”
Hinawakan ko ang mukha niya’t tinitigan ang kanyang mga mata. Gusto ko talaga ang gusto niyang mangyari… Gusto kong magsama kami at bumuo ng pamilya… Ngunit dahil sa mga bagay na nakapalibot sa ‘min, hindi ko maaaring sundin ang gusto ko… Hindi ko maaaring sundin ang puso ko…
Kinabukasan no’n ay kinausap ko ang Arsbispo ng Maynila sa Plaza Calderon na bumisita sa ‘min noong araw na iyon. Inilahad ko ang lahat ng nangyari at ang lahat ng aking saloobin, daing at galit.
“Tama ba ang ginawa kong pagpaparaya kahit na alam kong ako ang tama? Mahal ko siya… Mahal niya rin ako… Subalit dahil sa kagustuhan ng iba, kinakailangan naming maghiwalay at sundin sila. At bakit sa dinami-dami pa ng mga lalaking maaaring magtaksil sa akin, kambal ko pang kapatid ang gagawa nito? Nakakainis! Kung kailan perpekto na sana ang lahat, nangyari pa ang isang bagay na babago sa kapalaran naming tatlo. Bakit hindi ako? ‘Di hamak namang mas matino akong tao kaysa kanya. Putrages naman oh! Perpekto na sana ang lahat! Winasak pa kasi nung bastardo kong kapatid ang mga plano’t pangarap ko. Babuyin daw ba ang pinakamamahal kong babae? Walang hiya siya! Mamatay sana siya’t magdusa sa impyerno!”
Sa galit ko’y nagawa kong suntukin ang inuupuan naming bench na gawa sa bato. Hinayaan lang ako ng Arsobispo na ilabas ang emosyon ko… Dumaloy ang dugo mula sa aking kamao… Umagos ang luha mula sa aking mga mata…Umiiyak ako… umiiyak…
“At ano? Ako pa ang magkakasal sa kanila? Iniinsulto ba ‘ko ng Diyos? Pinapakasal sa akin ang taong kinamumuhian ko sa taong minamahal ko ng lubos? Hindi ko makakayanang tingnan silang dalawa, nagpapalitan ng mga sumpa na magmamahalan habambuhay… Hindi ko kaya…. Hindi…”
Nang lumubha ang pag-iyak ko, niyakap ako ng Arsobispo upang kumalma… Doon ko lang naintindihan na ang pag-ibig ay may kaakibat na pasakit at habambuhay mo itong pagdudusahan hangga’t hindi mo ito nilalabas… Patuloy itong pahihirapan ka hanggang hindi mo nauunawaan na ang relasyong tinaguyod mo ay isang malaking pagkakamali. Wala akong ibang nagawa maliban sa gawin kung ano ang nararapat…
Iyan naman ang Quadricentennial square… tinayo iyan diyan upang ipaalala ang apat na raang taong anibersaryo ng UST. Sa bawat sulok ng Square ay mga bato na kung saan nakasulat ang mga makasaysayang pangyayari ng bawat siglo… Apat na siglo… Apat na sulok… At alam mo bang ang disenyo ng mga tubo sa ilalim nitong fountain ay hugis araw ni Santo Tomas? Iyon ang pinaka sentro ng ating logo kung mapapansin mo… Pero ang pinakaaabangan ko talaga ay ang rebultong ilalagay diyan. Ipapakita iyan sa ating lahat pagdating ng 2011, ang ika-apat na raang taong anibersaryo ng unibersidad na ‘to. Ang rebulto ay binubuo ng tatlong katauhan: estudyante, pari at guro. Sila ang mga kumakatawan sa tatlong grupong bumubuo sa unibersidad na ‘to...
Ika-14 ng Pebrero 1994, naganap ang isang makasaysayang pangyayari sa simbahan ng Santisimo Rosario. Habang naglalakad si Ria patungong altar, wala kaming nagawang magkapatid kundi tumitig sa kanyang mga matang labis ang pagluha. Puno ng emosyon para sa aming tatlo ang araw na iyon. Para kay Ria, lungkot dahil hindi ako ang kanyang mapapangasawa. Para kay Neeyo, tuwa dahil ang pinakapapangarap niyang babae ay magiging legal na niyang asawa at dahil natalo niya ang kanyang kapatid… At para naman sa ‘kin, galit para sa ‘king sarili dahil naging duwag ako, galit para sa ‘king kapatid dahil inagaw niya sa ‘kin si Ria at galit para sa Diyos dahil hindi niya ako hinayaang lumigaya…
Nang si Ria na ang magsusuot ng singsing kay Neeyo, nagbitaw siya ng mga salitang nagpatigil ng kasalan…
“Neeyo, napakalaki ng utang na loob ko sa iyo. Ikaw na tinulungan akong gawing maganda ang ating pamilya at palakihing mabuti ang ating anak. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga nagawa mo para sa akin. Para sa oras at pagmamahal na hindi mo pinagkait. Subalit hindi ko na masisikmura pang humiga ng kama ng sugatan. Gusto kong malaman mo na sa hinabahaba ng pagsasama natin, isang tao lang ang nasa puso’t isipan ko. Siya, na minahal ako ng walang pakundangan at walang halong ganid at pagtataksil. Siya na minahal ako ng walang kapalit. Arsenio, nasa harapan mo nga ako pero ang aking isip, puso at kaluluwa ay nasa piling ng lalaking pinakamamahal ko. Kahit konti, minahal din kita, nirespeto’t sinunod. Ngunit hindi kasing bigat ng sa lalaking tunay kong minamahal. Siya na nagawa akong paligayahin kahit sumagi lang siya sa aking isipan ng isang iglap. Kung totoo mo akong mahal Neeyo, hindi mo ako hahayaang masaktan at habambuhay na magdurusa. Please Neeyo, It’s time for you to let me go and love whoever I want to love. If you truly love me, then you will let me become happy.”
Nagulat kaming lahat sa nangyari at sa mga nasabi ni Ria. Marahil ay alam mo na kung anong nangyari… Tumakbo siya palabas ng simbahan matapos niyang ibalik kay Neeyo ang dalawang singsing na dapat sana’y tanda ng kanilang pagmamahalan. Natigil ang kasal. Hindi ko napigilang lumabas din at sundan siya. Nakita ko siyang nasa Plaza Mayor at papasok ng Main Building. Hinabol ko siya. Umakyat siya ng hagdanan. Sinisigaw ko ang kanyang pangalan ngunit nagbibingibingihan siya. Narating namin ang balkonahe sa tuktok ng gusali katabi ng Tria Haec. Akma siyang tatalon at magpapakamatay.
“Maria! Mahal kita alam mo yan. Hindi dapat humantong sa ganito ang mga pangyayari. Anong gusto mo? Mamatay? Iiwan mo ako? Para saan pa ang ginawa mong pag-iwan kay Arsenio? Mas lalo mo lang gagawing miserable ang buhay mo at buhay naming lahat! Makinig ka Ria, hindi tama ‘yan!”
“Arizton, may tama ba sa mga ginawa natin mula noon pa?”
“Meron”
Lumapit ako sa kanya. Niyakap siya’t tumingin sa kanyang mga mata. “Meron Ria. Tama ang ginawa nating pagmamahalan. Para tayo sa isa’t isa. Wala nang makakapigil pa sa ‘ting dalawa. Mahal kita at mahal mo rin ako… Yun ang mahalaga… Yun ang tama…”
“Riz”
“Ria… ipangako mo sa ‘kin, habambuhay tayong magmamahalan… magsasama at magpapakasaya…”
Nagyakapan kami at ang aming mga labi’y naglapat sa unang pagkakataon nang biglang…
“Ria!”
Nadulas siya ng natapakan niya ang kanyang belo… muntikan na siyang nahulog ngunit nagawa ko siyang hawakan… Unti-unti… dumudulas ang aming mga kamay hanggang sa…
“Ria!”
Sumigaw si Arsenio at hinawakan din si Ria. Nagawa namin siyang iligtas sa tiyak na kapahamakan.
Sa Amerika kami nagpakasal at doon ay nanirahan siya kasama ang aming anak. Hindi na niya muli pang nakita si Neeyo at ang anak nila. Tuwing bakasyon, nagagawa kong puntahan sila sa Amerika… Walang ibang nakakaalam sa mga nangyari sa aming tatlo na nagsimula at nagtapos dito sa makasaysayang Unibersidad ng Santo Tomas…
=END=
No comments:
Post a Comment