Thursday, August 5, 2010

BOBOto KA BA?

Mayo 10, 2010

Magagawa ba ng isang anak na itakwil ang kanyang sariling ama? Marahil ang sagot mo ay “oo” sapagkat hindi na rin naman uso sa panahon ngayon ang isang masunuring anak. Hindi na rin kapani-paniwala ang mga napapanood nating teleserye sa telebisyon na pinapakita ang isang huwarang anak na matapos mawalay sa mga magulang ay buong buhay itong hahanapin at kapag nakita na’y lubusang mamahalin at ‘di na hahayaang muling mawalay pa. Hindi na tayo nakakakita ng isang anak na ipinaglalaban ng patayan ang mga magulang. Iilan na lamang sila ngayon. At isa na marahil doon ang matalik kong kaibigan na kailanma’y hindi yata magagawang itakwil ang ama gaano pa man kaitim ang kanyang budhi.

Sa wakas ay dumating na ang araw na pinakahihintay ng buong sambayanang Pilipino. Dumating na ang araw ng isang malawakang halalan para sa susunod na pinuno ng ating bansang matagal nang lugmok sa kahirapan dahil sa mga nakaraang gahamang lider. Isang taon rin mahigit na nanabik ang mga tao para sa halalan ngayong taon. Maliban sa isang bagong tao ang dapat na mahalal para sa mapayapang pagpapalit ng administrasyon, kinasabikan rin nila ang pagkokompyuterays ng paraan ng pagboto. Nang dahil dito’y marami ang nahikayat na magparehistro at maging isang botante ngayong taon. Malaki ang gagampanang papel ng mga first time voters ngayong halalan na karamihan ay binubuo ng mga kabataan. Isa ako sa kanila—mga bagong salta sa botohan ngunit tiyak na may malaking magagawa para sa malaking pagbabago ng ating bansa. Ngunit mayroong bumabagabag sa ‘king puso’t isipan—dahilan upang kahit na bihis na ko’t handa na ngayong umaga para pumunta sa kalapit na pampublikong paaralan para bumoto, narito pa rin ako sa aking kama’t nakahiga… nag-iisip… nag-aalala para sa aking kaibigan… at sa nasira naming samahan.

Tatlong taon ko nang kaklase’t matalik na kaibigan si Liezle Diane Fabregas—ang nag-iisang dalagang anak ng respetado at mapamosong Senador Cipriano Fabregas. Nagkakilala kami ni Liezle sa aming unang taon sa kolehiyo. Pareho kaming kumuha ng kursong Peryodismo. Iyon kasi ang matagal ko nang nais pasuking trabaho—impluwensiya na rin marahil ng aking ama’t ina na parehong mamamahayag. Marami na kaming pinagsamahan ni Liezle: sabay kaming gumimik, kumain, nag-aral at umibig sa kung sinu-sinong lalaki na sabay rin naming kinakiligan, tinawanan at iniyakan. Nagsilbi kaming mga talaarawan ng bawat isa sapagkat wala kaming tinagong sinikreto. Hindi niya inilihim sa akin ang balak ng kanyang ama na tumakbo sa halalan ngayong taon bilang pangulo. At nang malaman ko nga iyon ay agad akong nagboluntaryo na makilahok sa pangangampanya ng kanyang ama.

Nang opisyal nang magdeklara ang kanyang ama na ito’y tatakbo sa pagkapangulo noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nagsimula nang dumalas ang pag-alis ko sa bahay. Alam kong hindi ako papayagan nina mama’t papa na sumasamang nangangampanya kesyo raw magulo ang pulitika, marumi, maingay at puro lang kaplastikan ang mga makikita’t maririnig ko. Wala na ngayong kandidatong may iisang prinsipyo o pinaniniwalaang ideyolohiya—katulad na lamang ng dalawang senador na matapos magbatuhan ng mga maaanghang na salita sa bawat isa ay magka-tandem na tatakbo sa pagkapresidente’t bise-presidente. Isa na rin ang outgoing president na matapos patalsikin ang dating pangulong nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong sa salang pagkakamkam ng pera ng bayan ay bibigyan niya ang huli ng isang presidential pardon. Dahil sa pagtutol ng aking mga magulang ay natuto akong magsinungaling sa kanila. Sinasabi ko palaging magdamag kaming gagawa ng mga proyekto sa bahay ng isa sa mga kaklase ko. Subalit ang totoo’y nasa probinsiya ako kasama si Liezle na nangangampanya para sa kanyang ama.

Mayroong isang beses na kung saan ako ang nagpakilala kay Sen. Fabregas sa harap ng mga mamamayan ng isang siyudad sa Pampanga. Kung anu-anong papuri ang mga sinabi ko patungkol sa kanya na sinamahan ko pa ng pagbabanggit ng mga napagtagumpayan niya noon at mga batas na naipasa’t napatupad niya sa loob ng mahigit dalawampung taong panunungkulan.

Subalit ang inaakala kong pangangampanyang hindi malalaman ng aking mga magulang ay nalaman rin sa bandang huli nang magtapos ang klase—isang gabi matapos din ang ginawa kong pag-akyat sa entablado para sa Senador. Pagkauwi ko galing Pampanga ay sinalubong ako ni papa ng ilang malulutong na sampal na nagpahapdi sa ‘king magkabilang pisngi’t dumurog sa ‘king puso. Sa puntong iyon ay agad kong natantong alam na nilang nangangampanya ako para kay Sen. Fabregas.

Anong problema ba ni papa? Ano bang mali sa lantarang pagkakalat ng mga mabubuting bagay tungkol kay Sen. Fabregas? Anong mali sa pagtulong sa matalik kong kaibigan?
“Malaki!” sigaw niya sa ‘kin matapos akong mangatwiran. “Alam mo bang anak ka ng dalawang sikat na mamamahayag? Na kahit na hindi ka nakikita sa telebisyon at dyaryo gaya namin ay kilala ka pa rin ng buong madla? Lahat nang sinabi mo sa Pampanga na pabor sa hayop na senador na ‘yon ay taliwas sa mga sinasabi naming tungkol sa kanya, at buong Pilipinas ang nakakaalam! Sinong ‘di magtataka kapag nakita nilang magkasalungat ang mga pananaw ng isang mag-ama? Jericka, minsan nga, makinig ka naman sa mga prinsipyo’t paninindigan ng mga magulang mo!” bulyas niya sa ‘kin.

Prinsipyo? Paninindigan? Bakit hindi iyong sa ‘kin ang pakinggan nila? Ni minsan hindi nila ‘ko pinakinggan!

“Dahil mali ka, Jericka!” sabat naman ni mama. “Alam mo ba kung anong klaseng tao ang kinampihan mo? May ideya ka ba kung bakit ka namin pinagbawalang mangampanya para sa kanya? Naturingan ka pa namang aspiring journalist pero hindi ka marunong makialam sa mga balita!” sigaw niya sabay hampas sa akin ng isang isyu ng dyaryong sinusulatan nilang pareho.

Doon ay tumambad sa ‘king harapan ang litrato ni Sen. Fabregas na masaya’t makarismang nangangampanya. “Sinabihan ka na naming noon pero hindi ka nakinig.” Diin ni mama. Isang headline ang nasa itaas ng litrato: “Sen. Fabregas—making the country a better place or a doobie place?” Sa ilalim naman ng litrato niya ay naroon ang artikulong sinulat ni papa.

Isa raw drug lord si Sen. Fabregas…

“Sis, bakit kaya ganoon si dad?Ang daming nagbago sa kanya physically. ‘Di mo ba napansin? Nanlalalim ang mga mata niya, nangangayayat siya at madalas nasa kwarto lang. Pero kapag lumabas naman eh napakahyper! Kung minsan pa nga raw sabi ni mommy eh nag-hahallucinate raw siya ‘pag natutulog sila. Well, actually si mommy lang ang tulog at nagigising siya sa bigla-biglang pag-arte ni dad na parang baliw.”

Si Sen. Fabregas ay hindi lang raw ang asawa niya ang kanyang kinakama…

“Uy grabe sina mommy’t daddy, sis, kagabi! Nag-away sila ng malala talaga! Eh nagtaka kasi si mommy ngayong tatlong buwan niyang hindi mahagilap si daddy. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta. Nang umuwi siya kagabi eh nakakita si mommy ng isang pakete ng condom sa bag niya. Tingin mo kaya nambababae si dad?”

May nawawala raw pondong binigay kay Sen. Fabregas na wala namang kinahantungan…

“Sis! Oh my gosh! I’m so excited na! Eh kasi naman for the whole Christmas break, pupunta kami nina mommy’t daddy sa Italy! Grabe, mag-totour kami doon then we’ll celebrate our noche buena in Venice. Aww, isn’t that great?At ang sabi pa niya, may bahay na raw kami doon!”

Sa tuwing matatapos akong magbasa ng ilang pangungusap sa artikulo na ‘yun ay tumitigil ako’t inaalala ang mga nakuwento sa ‘kin ni Liezle… Wala siyang sinikreto sa ‘kin ni isa… Laki kong gulat nang makumpirma ko ang lahat ng mga haka-haka naming dalawa noon.
Pagkatapos kong magbasa’y napaupo ako sa sopa, tulala at nangingilid ang mga luha sa ‘king mga mata.

Iyon ang sumira sa pagkakaibigan namin ni Liezle… At ang nagpagulo sa ‘king isip ay kung sino ang iboboto ko para sa nalalapit na halalan.

At ngayo’y narito nga ako’t nakahiga sa ‘king kama—hindi alam kung tutuloy pa ba… Hindi ko kayang suwayin ang aking mga magulang. Tama sila na kung si Sen. Fabregas ang magiging pangulo ng bansa, walang duda na lalo lamang siyang aasenso sa masamang paraan habang ang maralitang Pilipino’y lalong maghihirap. Ngunit hindi ko masikmura ang ginawa kong biglaang pagtalikod sa ‘king kaibigan na tiyak ay labis kong nasaktan nang huli kaming mag-usap.

***
May 09, 2010

Magagawa ba ng matalik mong kaibigang balewalain ang ilang taon ninyong samahan alang-alang sa pagsunod sa utos ng kanyang mga magulang? Marahil ay “hindi” ang isasagot mo sapagkat parang kapatid na ang turingan ninyong dalawa sa isa’t isa. Subalit ibahin mo ang aking matalik na kaibigang nagawa akong talikuran.

Bukas na ang araw ng halalan at heto ako ngayon sa ‘king silid, binabalikan ang naging pagtatalo namin ni Jericka Marie Versoza ukol sa ‘king ama… A-uno ng Abril nang magpunta ako sa pamantasan para kunin ang aking clearance. Inaasahan kong makikita ko roon si Jericka na ilang linggo nang hindi ako pinapansin sa ‘di malamang kadahilanan. Huli naming pag-uusap ay noong Marso pa, noong mangampanya siya para kay dad. Iyon rin ang huling beses siyang sumama sa pangangampanya.

Pagkapasok ko sa silid-aralan na kung saan binibigay ng mga taga-opisina ng dekano ang mga clearance namin, ay agad kong nakita si Jericka, nakangiti at mukhang masaya. Nilapitan ko siya’t hinawakan sa baywang at mainit na binati. Subalit iba ang naging tingin niya sa ‘kin, sinungitan niya ko’t lumabas ng silid. Anong nangyari sa kanya? Tanong ko sa mga kaklase naming wala namang naisagot. Agad kong kinuha ang clearance ko at dali-daling lumabas para habulin si Jericka. Ngunit naroon lang pala siya sa pasilyo at hinihintay ako. “Mag-usap tayo.” malamig niyang sinabi.

Lumabas kami ng gusali at nagpunta sa tagong hardin ng pamantasan. Ni isa sa ‘min ay umimik sa aming paglalakad patungo sa hardin. Nang makapasok sa hardin ay ‘di ko na napigilan pa ang sarili ko na magsalita.

Ano bang problema, kasi? May nagawa ba ‘kong mali? Ginalit ko ba siya?

“Ikaw wala. Pero ang ama mo, oo.” Sagot niya na labis kong pinagtaka. “Hindi ko na magagawa pang mangampanya para kay Senator.”

Ha? Eh bakit naman? Hindi ba niya alam na noong siya ang nagsalita sa entablado para kay daddy ay lumakas ang posibilidad niyang manalo? Kailangan siya namin! Kailangan siya ni dad!

“Hindi na. Ayoko na Liezle. Ayoko na!” sigaw niya sabay tingin sa ‘kin na labis nang nagagalit. “Hindi ko magagawang mangampanya para sa isang taong walang ibang balak kundi ang magpayaman gamit ang pera ng bayan! Liezle, magising ka. Masamang tao ang daddy mo!”

Ano raw? Nagbibiro ba siya? Hindi masama ang daddy ko! Naiiba siya sa mga ibang pulitiko!

“Isa siyang drug lord at ‘Iron Hand’ ang tawag sa kanya ng mga alagad at kakampi niya. Maliban sa pagbebenta ng samu’t saring pinagbabawal na gamot ay isa rin siya sa mga gumagamit ng mga ito. Maraming pagsusulit ang makapagpapatunay dito. Iyon nga lang, pinatikom ng daddy mo ang mga bibig ng mga nagsuri sa kanya.”

Hindi totoo ‘yan.

“Isa pa, hindi siya kuntento sa mommy mo. Liezle, maraming babae ang daddy mo. Aba eh baka magulat ka na lang bigla na hindi lang pala ikaw ang unica hija niya!”

Kasinungalingan.

“At naaalala mo pa nang magpunta kayo sa Italy mga dalawang taon na ang nakakaraan? Liezle, pondo ng gobyerno ang ginamit niya para dalhin kayo doon. Pondo para sa bayan ‘yon! Ano tuloy ang nakuha ng mga pampublikong ospital? Ng mga guro sa mga mabababang paaralan? Eh ang mga iskolar ng gobyerno? Wala! Dahil simula’t sapul naging mambabatas at senador iyang daddy mo ay naging isa siyang malaking bungangang lumulunok ng pera galing sa mga kawawang Pilipino! At ang kapal din naman ng mukha ng ama mo para magpatayo ng isang bahay sa Venice gamit ang isang ill-gotten wealth?”

Tama na!

Sa isang iglap ay lumatay ang aking palad sa kanyang pisngi na siyang nagpahinto sa kanyang pagsasalita. Hindi ko napigilang umiyak habang isa-isa niyang binulgar ang mga katiwalian diumano ng ama ko. Saan niya naman nakuha ‘tong mga batikos na ‘to na puros kasinungalingan lang naman?

“Liezle, buong bayan na ang nakakaalam. At maraming makakapagpatunay sa mga bintang laban sa kanya. Magising ka, parang awa mo na. Masama siyang tao at ‘di siya karapat-dapat para maging isang pangulo.”

Kung gayon ay bakit nangampanya pa rin siya para kay dad noon?

“Dahil wala akong alam. Naging dungo ako sa mga katiwalian niya. Huli na nang malaman ko ang tungkol dito. At saka kaibigan kita, Liezle. Gusto kitang tulungan kaya sinuportahan ko ang ama mo. Hindi ko nga lang inaasahan na masamang tao pala ang sinusuportahan ko.”

Dahil ba dito’y binabalewala na niya ang pagkakaibigan naming dalawa?

“Hindi ko intensiyong saktan ka, Liezle. Pero nagsasabi ako ng totoo… kasama ang mga magulang ko at ang sambayanang Pilipino. Magising ka Liezle. At kapag sa bandang huli’y matanto mong tama ako, alalahanin mo lang na bukas ang mga pintuan ko para sa ‘yo.”

Impokrita! Kung gusto niyang kumalas sa ‘kin, gawin niya! Bahala siya sa buhay niya! Hindi ko magagawang itakwil ang sarili kong ama alang-alang sa kanya!

Doo’y nilisan ko siya at sinumpang hindi na kakaibiganin pa. Hindi ko magagawang kaibiganin ang isang traydor—isang taong nagsasabing masama ang ama ko.

Lumipas ang mga linggo at isang tulog na nga lang ay darating na ang araw na pinakahihintay ng bansa. At siyempre pa, matagal din itong inabangan ng mga kandidato. Dito nakasalalay ang kanilang mga kinabukasan. Dito nila malalaman kung ang lahat ba ng pagod na kanilang dinanas sa pangangampanya sa loob ng mahigit anim na buwan ay may kapupuntahan. Dito na malalaman kung sulit ba ang perang pinanggastos sa mga tarpaulins, t-shirts, streamers, props sa mga entablado, pambayad sa mga artistang sa kanila’y nag-endorso, sa mga mamamahayag na nagsulat ng mga artikulong pabor tungkol sa kanila, at sa mga istasyon sa telebisyong paulit-ulit na pinapalabas ang mga adbertisamyento na kinakammpanya sila.

Bukas na ang halalan at narito ako ngayong nakahiga sa ‘king kama. Malalim na ang gabi ngunit ‘di pa rin ako makatulog. Bumangon muna ako’t naglakad papunta sa kusina para uminom ng tubig. Napansin kong nakabukas ang desk lamp ni daddy sa kanyang opisina. Pumasok ako at papatayin na sana ang ilaw nang makita kong bahagyang nakabukas ang drawer niya. Nagimbal ako sa ‘king naaninag—isang bigkis ng mga salapi. Napukaw ang aking atensyon kung kaya’t binuksan ko iyon at tumambad sa ‘king harapan ang mga ebidensya sa katiwalian ni daddy. Naroon ang malalaking gramo ng shabu, mga marijuana at iba pang droga at mga kasangkapan sa paggamit ng mga ‘yon. May mga litrato ng mga nakahubad na babaeng marahil ay hindi mga artista at pribadong kinuhanan at mga CD na walang tatak na walang duda’y naglalaman ng mga bidyo ng kanyang pakikipagtalik sa iba’t ibang babae. At limpak-limpak na salapi ang aking nakita.

Iron Hand

Mga querida

Italy

Hindi ko napigilan ang sariling umiyak habang nakasalampak sa sahig at nakakalat ang mga pinakatatagong sikreto ng aking ama. Tama si Jericka at nagkamali ako. Pero anong gagawin ko? Anak niya ko’t ‘di ko siya kayang itakwil. Subalit nagkasala siya. Sinong pipiliin ko ngayon?

***
May 10, 2010; 11:00 am

Kailangan kong bumangon. Kailangan kong bumoto. Pagkarating sa pampublikong paaralan kung saan ako nakalista, agad akong pumunta sa presintong nakaatas sa akin at bumoto.

Ito ang tama. Kailangan ko itong gawin para sa bayan ko. Para sa kinabukasan naming mga kabataan. Pagkauwi ng bahay, napansin ko ang isang pamilyar na dalagang nakadamit-pambahay lamang at nakatayo sa labas ng aming gate na may bitbit na bag. Nilapitan ko siya—si Liezle.

“Jericka, patawarin mo ‘ko…” Niyakap ko ang umiiyak kong kaibigan at pinapasok sa loob ng aming bahay. Doon tayo mag-usap, ang sabi ko. Ano kaya ang naging dahilan kung bakit siya umiiyak ngayon at napasugod pa rito sa bahay?

***
May 10, 2010; 7:00 am

“Liezle?” nagtatakang tanong ni daddy sa ‘kin nang makita niya akong nakaupo sa kanyang upuan sa kanyang opisina at tulala. Hindi na ‘ko nakatulog mula sa kaninang pangyayari kung saan ko natuklasan ang sikreto ni daddy. Inabot na ko roon ng umaga—ang araw ng halalan. Bago pa man ako mahuli ni daddy, kinuha ko na lahat nang nakita ko sa kanyang cabinet, isinilid sa isang bag at tinago malayo sa kanyang tingin.

“What’s the matter?” buong pag-aalala niyang tinanong at umupo malapit sa akin.

“How dare you? You immoral, selfish asshole!” sabay sampal sa makapal niyang pagmumukha “You lied to me daddy. You cheated on mommy. You dishonored the country! You aim to be the next president? For what? For you to become a more powerful enemy of the State? You’re not deserving to win daddy. You do not deserve to be called President. You’re not even deserving to be my father. You should be ashamed of yourself!”

Tumayo ako’t umalis sa kanyang opisina at dali-daling lumabas ng bahay tangan ang bag na naglalaman ng mga ebidensiya sa pagigi niyang isang masamang tao.

At kapag sa bandang huli’y matanto mong tama ako, alalahanin mo lang na bukas ang mga pintuan ko para sa ‘yo.

Siya na lamang ang tangi kong pag-asa…

***
May 10, 2010; 12:00 nn

“Tama ka. Wala siyang karapatang maging pangulo. Pero Jericka, ama ko pa rin siya. Anong gagawin ko?” tanong ni Liezle matapos ikwento sa kaibigan ang nangyari sa kanya kagabi.

“Kailangan mo siyang idiin Liezle. Naiintindihan kong ama mo siya, pero nagkasala siya ng malaki. Kailangan niyang harapin ang batas. Naturingan pa naman din siyang senador.” Sagot ni Jericka habang inaabutan ng maiinom na tubig ang kaibigang kanina pa iyak ng iyak.

Nag-isip ng malalim si Liezle habang tinitingnan ang bag niyang naglalaman ng mga ebidensiya laban sa kanyang ama.

“Nga pala,” iniba ni Liezle ang usapan “sinong binoto mong presidente kanina?”

Hindi umimik si Jericka at tanging ngiti lamang ang sinagot. “Sino?” tanong muli ni Liezle.

“Wala… nag-abstain ako.” Sagot niya. Natulala si Liezle sa kanyang narinig.

“Bakit? Ang daming kalaban ni dad ah, bakit wala kang binoto?” nag-aalalang tinanong ni Liezle samantalang nanatili lamang na nakangiti’t kalmado si Jericka. “Dahil kaibigan kita. Ayokong saktan ka. Ayoko rin namang bumoto ng isang kriminal kaya…” Hindi na napigilan pa ni Liezle at agad na niyakap si Jericka. “…nag-abstain na lang ako.” pagpapatuloy niya.

Bumitaw si Liezle sa pagkakayakap at tumayo. Sinarado niya ang bag na kanina’y binuksan niya para kay Jericka. “Boboto ka ba?” Tanong sa kanya ng kaibigan. Tumigil siya sandali at makalipas ang ilang segundo’y kinuha ang bag at tinago sa kabinet ni Jericka.

“Oo. Itatago ko muna ito dito at pagkatapos kong bumoto, babalikan ko ‘to bago tayo pumunta sa opisina ng papa mo para samahan tayong kasuhan si dad. Samahan mo na rin akong bumoto.”

Nabigla si Jericka sa narinig at agad na lumapit kay Liezle at niyakap siya. “Sigurado ka ba diyan? Mahirap ‘tong gagawin mo…” kunot-noo niyang pinaalala.

“Nakapagdesisyon na ‘ko…” sagot ni Liezle, “kailangan ng bansang ito ng isang matino, magaling at malinis na lider. Kailangan ang boto ko. Isang tao lang ako na may isang boto ngunit nakatitiyak akong may magagawa iyon. Iboboto ko ang karapat-dapat na mahalal para sa ‘kin. Hindi ako katulad ng ibang botante diyan na kaunting suhol lang ay mapipikot na ng mga gahamang kandidato gaya ng daddy ko. Hindi ako katulad ng ibang botante diyan na kaunting salita lamang at pangako ng isang kandidato ay bibigay na kaagad. Nagising na ako Jericka. Nagising na ako sa katotohanang hindi lang rin ang pangulo ng bansang ito ang dapat na magbago. Subalit pati ang bawat mamamayang Pilipino ay dapat ring magbago. Hindi kaya ng isang baguhin ang kapalaran ng ating bansa ngunit kaya ng buong sambayanan. Boboto ako dahil may kalayaan, karapatan at tungkulin akong gawin iyon. Boboto ako para sa bayan ko. Boboto ako dahil hindi ako bobo at hindi ko masisikmurang isang kandidatong walang prinsipyo, paninindigan, palabra de honor at malinis na kalooban ang mananalo’t magiging susunod na pinuno ng bansang ito.”

No comments:

Post a Comment