Thursday, August 5, 2010

Hanggang May Kailanman

Hanggang may Kailanman

(isang novella)

Ni Franz Sorilla

Mga Karakter:

Maria Socorro Del Valle -- kambal na kapatid at mangingibig ni Juan Ceferino Del Valle.

Juan Ceferino Del Valle -- napangasawa ni Selina Tolentino; nagbalik mula España upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kakambal at tunay na iniibig.

Selina Tolentino -- kambal na kapatid ni Antonio Marcial Tolentino.

Antonio Marcial Tolentino -- napangasawa ni Maria Socorro Del Valle.

Antonio Eleazar Cortez -- isang misteryosong karakter sa novella; kaibigan ng mga kambal na magkapatid.

Don Fidel Del Valle at Doña Clarita Del Valle -- mga magulang ng magkapatid na Del Valle at may-ari ng isang hacienda (Manggahan at rancho).

Don Miguelito Tolentino at Doña Salvacion Tolentino -- mga magulang ng magkapatid na Tolentino at may-ari ng isang azucalera.

Valentin -- isang palaboy na kinupkop ni Juan Ceferino at inampon nina Maria Socorro at Antonio Marcial; nanungkulan bilang isang utusan noong una ngunit tinuring na tunay na anak.

Estella Cortez -- inampon ni Antonio Eleazar Cortez; isang batang lumaking inutil at sakitin dahil sa pagmamaltrato ng kinikilalang ama.

♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~

Ika-walong kabanata:

Hanggang may Kailanman

~1865~

“Papaano mo nagawa ito papa?”

“Hindi kayo para sa isa’t isa ni Socorro. Kakambal mo siya! Akala ko ba abogado ka? Alam mong labag ito sa batas!”

Sinampal ko siya gamit ang aking kamao habang hawak ang aking baril. Pinagpapawisan siya dahil sa sakit nang bugbugin ko siya kanina at sa init ng bodega. Nakatali ang kanyang mga kamay sa sandalan ng silya.

“Bakit? Kinasal ba kami?”

“Pero may anak kayo!”

“At anong ginawa mo sa kanya? Pinalabas mong patay at pina-ampon sa taong baliw at naghihirap?”

“Ginawa ko iyon para sa ikabubuti ninyo… Para sa ikabubuti ni Socorro!”

“Hangal! Inisip niyo lang ang sarili niyo… Sinaktan niyo kaming pareho… Anong nangyari nang akalain niyang patay ang aming anak? Nanamlay siya… Nagkasakit… Nanghina… Kaya siya nagpakamatay ay dahil sa kasakiman at kadamutan ninyo! Hindi niyo kami hinayaang lumigaya… Hindi niyo kami tinuring na anak!”

At bumalik sa aming mga ala-ala ang lahat ng pagmamaltrato at pananakit ni papa’t mama… mga panahong nais naming lumayas… nais kumawala sa impyernong kinasadlakan namin…

“Akala niyo magiging masaya ang pamilya niyo? Nagkakamali kayo papa… Nagkakamali kayo…

“Ceferino, anak, tama na… maawa ka sa ‘min… utang na loob anak ka namin!”

“Tumahimik ka mama!”

Umiyak ang aking ina at unti-unting nadurog ang aking puso… Hindi ko namamalayang lumuluha na rin pala ako…

“Simple lang naman ang pangarap ko… makasama ang pinakamamahal ko’t bumuo ng sariling pamilya kasama siya… at sabay kaming tatanda… sabay kaming mamamatay… mahirap ba ‘yon?”

“Ceferino…”

“Wala na mama… wala nang pag-asa… bakit? Dahil kinuha niyo sa ‘kin ang babaeng labis kong iniibig!”

Tinutok ko ang baril kay papa… umiiyak ako… kaya ko ba ‘to?

“Hindi mo kaya… hindi mo ‘ko kayang patayin Ceferino… anak… anak lang kita…”

“Talaga? Hindi ko ata naramdaman… Hindi namin naramdamang anak mo kami…”

Kinasa ko ang baril… Sumigaw si mama at lumubha ang kanyang pag-iyak… Nagmakaawa si papa sa akin… umiiyak siya…

“Magsama-sama kayo sa impyerno… Pinatay niyo si Maria Socorro… Kayong dalawa… si Antonio Marcial… si Selina… si Miguelito’t Salvacion… si Antonio Eleazar… Pinatay niyo siya…”

At kinalabit ko ang gatilyo at sa isang iglap… sumabog ang mga bungo ng mga sarili kong magulang sa aking harapan…

Nagulat ako… Hindi ko alam kung bakit pero nagulat ako… napatay ko ang aking mga magulang? Umiyak ako…

“Diyos ko… patawarin niyo ‘ko…”

Ngunit… ngumiti ako… at ang ngiting iyo ay naging tawa… at naging halakhak… halakhak ng tagumpay.

“Tapos na… Tapos na…”

Dinala ko sina Valentin at Estella sa Madrid… Pinag-aral ko sila… Ginawa ko ring legal at opisyal ang mga dokumentong nagsasabing mga tunay ko silang anak… at kinasal ako sa isang taong nagngangalang Maria Socorro Tolentino…

♦~♦~♦

Ilang taon na ang lumipas Socorro… Tapos na… Wala na ang mga taong nagkasala sa atin… Buo na rin sa wakas ang ating pamilya… Ngunit… Hindi pa rin ako masaya… Pinatay ko silang lahat ngunit hindi naman ako dinala ng aking paghihiganti palapit sa ‘yo. Kahit na anong gawin ko, mananatili ka pa ring malayo mula sa akin… Gusto ko sanang samahan ka sa lugar na kung saan hindi tumatakbo ang oras. Kung saan… hindi tayo magkapatid… Kung saan tayo’y magkatipan. Socorro… hindi kita iniwan… kahit kailan… wala akong natatandaang iniwan, kinalimutan o binalewala kita… Lagi kang nasa puso’t isipan ko kahit saan ka magpunta… Mula noon… hanggang ngayon… ikaw lamang… ang mamahalin ko… Hanggang may kailanman…

Lumabas ako ng silid nina Valentin at Estella nang mapanatag ang loob kong tulog na sila at nakita ko… nakita ko si Socorro… kung paano ko siya huling nakita noong araw ng kanyang kasal, ganoon ang hitsura niya… nakangiti… niyayaya akong sumama… hinawakan ko ang kanyang kamay… at dinala niya ako sa labas hanggang sa nakarating kami sa kampanilya ng katedral. Lumipad siya palabas ng bintana… lumulutang siya…

Ceferino…Yakapin mo ako… Hayaan mong ang gabing ito’y maging iba sa lahat… Ang gabi na kung saan hindi tayo magkapatid… bagkus ay magkasintahan…

Hinawakan ko ang bintana at tumuntong… akmang susundan siya… ngunit nawala siya bigla… At sumigaw ako kasama ang kidlat at kulog na dumating… bumuhos ang napakalakas na ulan… bumaba ako at naupo sa tabi ng malaking kampana… at nakita ko… ang mga multo ng mga pinatay ko… kung paano ko sila iniwan ay ganoon din ang kanilang hitsura… nilapitan nila ako ngunit ako’y lumalayo… umiiwas ako sa kanila hanggang sa hindi ko namamalayang… unti-unti na akong nahuhulog…

Bumalik ang aking mga ala-ala… ang aking pagkabata… aming pag-iibigan… ang aking mga hinagpis… ang aking paghihiganti…

“Socorro… Socorro…”

♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~

No comments:

Post a Comment