Hanggang may Kailanman
(isang novella)
Ni Franz Sorilla
Mga Karakter:
― Maria Socorro Del Valle -- kambal na kapatid at mangingibig ni Juan Ceferino Del Valle.
― Juan Ceferino Del Valle -- napangasawa ni Selina Tolentino; nagbalik mula España upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kakambal at tunay na iniibig.
― Selina Tolentino -- kambal na kapatid ni Antonio Marcial Tolentino.
― Antonio Marcial Tolentino -- napangasawa ni Maria Socorro Del Valle.
― Antonio Eleazar Cortez -- isang misteryosong karakter sa novella; kaibigan ng mga kambal na magkapatid.
― Don Fidel Del Valle at Doña Clarita Del Valle -- mga magulang ng magkapatid na Del Valle at may-ari ng isang hacienda (Manggahan at rancho).
― Don Miguelito Tolentino at Doña Salvacion Tolentino -- mga magulang ng magkapatid na Tolentino at may-ari ng isang azucalera.
― Valentin -- isang palaboy na kinupkop ni Juan Ceferino at inampon nina Maria Socorro at Antonio Marcial; nanungkulan bilang isang utusan noong una ngunit tinuring na tunay na anak.
― Estella Cortez -- inampon ni Antonio Eleazar Cortez; isang batang lumaking inutil at sakitin dahil sa pagmamaltrato ng kinikilalang ama.
♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~
Ika-pitong kabanata:
Ang Katotohanan
~1865~
Pagkagising ko kinabukasan, usap-usapan sa mansiyon ang nangyari sa mga Tolentino… Walang nakakaalam ng katotohanan. Pagkatapos kumain, nagpunta ako sa puntod ni Socorro. Subalit nadatnan ko ang isang labing-anim na taong gulang na binata.
“Señor?”
“Sino ka? Anong ginagawa mo rito?”
“Ako po si Valentin… Naaalala niyo pa ba ako?”
“Valentin…”
Niyakap ko siya… ang batang tinuring kong parang tunay na anak…
“Anong nangyari? Pinalayas ka raw dahil nagnakaw ka ng mga alahas? Ngunit… Hindi naman iyon totoo, tama?”
“Hindi ho iyon totoo… Pinagbintangan lang ako ni señor Antonio Marcial para mapalayas ako… Ayaw niya akong maging anak…”
“Hindi ka pinaniwalaan ni Socorro?”
“Nilason ng mga taong pinagkakatiwalaan ninyo ang utak ni señora Maria Socorro….”
“…”
“Pilit nilang sinasabi na iniwan mo siya at wala kang balak na balikan siya. Pilit ka nilang inilayo sa kanya. Dinungisan nila ang iyong pangalan para magalit siya sa iyo… Binura nila ang Juan Ceferinong nakilala’t minahal niya. Labis siyang naniwala… Hanggang sa namatay ang kanyang tunay na anak… At inakusahan ang kanyang inampong bata… Nagpatong-patong ang kanyang kalungkutan hanggang sa… tuluyan nang nawala ang babaeng minahal mo… Wala na siya señor… wala na...”
“Nagbalik ako noong 1861 para… yayain siyang magtanan at sumama sa akin sa España… ngunit… isang bangkay na lamang ang aking nadatnan… Masakit… masakit malamang… para sa kanya, hindi ko siya mahal… mga hayop sila… pinatay nila si Socorro…”
Hindi ko napigilang umiyak at lumuhod sa puntod ni Socorro. Inakbayan ako ni Valentin at niyakap…
“Marami pa kayong dapat malaman…”
“Ano?”
“Hindi namantay ang inyong anak… Nalaman ng inyong papa ang tungkol sa inyong relasyon, hindi ba?”
“Oo…”
“Hinintay niyang isilang ang bata… Hindi niya ito pinatay dahil baka madungisan ang kanyang pangalan… Pinalabas niyang namatay ang bata at pagkatapos ay pina-ampon kay Antonio.”
“Sinong Antonio?”
“Si Antonio Eleazar Cortez po. Siya lang naman ang tinatawag na Antonio dito ah.”
“Hindi si Marcial?”
“Señor! Ilang taon na po ba kayong nakatira dito at bakit parang hindi niyo alam iyon?”
“Ibig sabihin… si Eleazar at hindi si Marcial ang gumahasa kay Socorro?”
“Ano ho?”
“Binitin ko sa puno si Marcial dahil ang akala ko’y ginahasa niya si Socorro…”
“Kayo ang…”
“Oo… pinaghiganti ko siya… ako ang pumatay sa kanilang lahat… Ang akal ko’y tapos na… Hindi pa pala… Hindi pa…”
Tumayo ako’t naglakad paalis… Nang malayo na ‘ko ay sumigaw si Valentin…
“Señor! Kahit na anong gawin niyong paghihiganti, hindi niyo pa rin makakamit ang tunay na hustisya! Hindi maitatama ng isang pagkakamali ang isang matagal nang mali! Sa tingin niyo ba, ito ang kagustuhan ni señora Maria Socorro?”
Pinuntahan ko ang dampa ni Antonio at nadatnan ko siyang pinapagalitan at sinasaktan ang anak ko… Agad kong inilayo ang bata mula sa kanya…
“Hoy! Wala kang karapatang saktan ang anak ko!”
“Ha! Ayan na pala ang magiting mong ama, Estella! Sige! Magsama kayo!”
“Walang hiya ka!”
Sinuntok kop siya. Natumba siya’t nahulog palabas… Dumugo ang kanyang ilong… ngunit tinawanan lang niya ‘ko…
“Ceferino… Magkaibigan tayo, ‘di ba? Naaalala mo ba nung nasa lawa tayo?”
“Magtigil ka! Simula ngayon binubura ko na ang pagkakaibigan natin!”
“Ceferino… Ceferino… Nagbalik para kunin ang anak… Alam mo ba Estella, ang taong iyan ay iniwan ka! Hindi ka niya mahal! Wala siyang pakialam sa iyo! Alam mo kung bakit?”
Pumasok siya’t nilapitan si Estella… hinaplos ang kanyang ulo na parang kanyang tunay na anak…
“Dahil… isa kang inutil… walang alam… mangmang… tonta!”
At sinaktan niyang muli ang anak ko. Umiyak muli ang bata kaya binuhat ko siya’t inilayo. Tuwang tuwa si Eleazar sa kanyang ginawa… hinawakan ko ang kanyang damit at hinila siya palabas ng kubo.
“Tarantado ka!”
Sinuntok ko siya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
“Hindi mo lang sinaktan ang anak ko… pati rin ang kasintahan ko!”
“Kasintahan? Kasintahan mo ang kakambal mo? Ang laking kasalanan! Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo?”
“Hindi ko kinahihiya ang relasyon ko sa kapatid ko dahil mahal namin ang isa’t isa. Ikaw? Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo? Tarantado ka! Ginahasa mo siya!”
Sinuntok ko siyang muli… Duguan na siya… hindi na makatayo… nakadapa na sa lupa na puros putik.
“Ginahasa ko siya dahil mahal ko rin siya… Mga bata pa lang tayo, minahal ko na siya… At nang malaman kong isa na rin siyang ganap na Tolentino, ginahasa ko na siya… dahil gusto kong makaganti sa mga ginawa nila sa pamilya ko… Bakit ko sinasaktan ang bata? Dahil anak mo siya… At ayokong lumigaya ang anak mo…”
“Walang hiya!”
Kinuha ko ang isang malaking bloke ng adobe…
“Ceferino… Hindi na ba ito matatapos?”
Anong ibig niyang sabihin?
“May masasaktan… may gaganti… may masasaktan… may gaganti… Hindi ka ba titigil? Hindi ka ba napapagod?”
“Matatapos rin ‘to… Hayaan mo lang akong lumigaya…”
Tinawanan niya ‘ko… pagkatapos ay umiyak…
“Inalagaan ko ang anak mo…”
“Sinaktan mo siya… at gaganti ako…”
At hinulog ko ang bloke sa kanyang ulo ng buong lakas…
“Adios Antonio Eleazar Cortez…”
Pinuntahan ko ang aking anak at niyakap…
“Ako ang tunay mong ama… uuwi na tayo, anak…”
“Tatay?”
Hinanap ko si Valentin sa sementeryo at dinala ko sila sa aming mansiyon… Inimpake ko ang aking mga gamit… Wala sina mama’t papa kaya iniwan ko muna ang aking mga anak sa aking silid at naligo’t nagbihis…
“Aalis tayo…”
Sabi ko sa kanila…
“Saan tayo pupunta?”
“Sa España… doon na tayo titira…”
Nakita ko ang pagdating ng calesa at ang pagbaba ng aking mga magulang. Iniwan ko muna sina Valentin at Estella sa aking silid. Nakita nilang kinuha ko ang isang baril mula sa aking aparador. Nakita ko sa kanilang mga mukha ang takot…
“Huwag kayong mag-alala… Matatapos na ‘to… makakapamuhay na tayo ng tahimik…”
♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~
No comments:
Post a Comment