Hanggang may Kailanman
(isang novella)
Ni Franz Sorilla
Mga Karakter:
― Maria Socorro Del Valle -- kambal na kapatid at mangingibig ni Juan Ceferino Del Valle.
― Juan Ceferino Del Valle -- napangasawa ni Selina Tolentino; nagbalik mula España upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kakambal at tunay na iniibig.
― Selina Tolentino -- kambal na kapatid ni Antonio Marcial Tolentino.
― Antonio Marcial Tolentino -- napangasawa ni Maria Socorro Del Valle.
― Antonio Eleazar Cortez -- isang misteryosong karakter sa novella; kaibigan ng mga kambal na magkapatid.
― Don Fidel Del Valle at Doña Clarita Del Valle -- mga magulang ng magkapatid na Del Valle at may-ari ng isang hacienda (Manggahan at rancho).
― Don Miguelito Tolentino at Doña Salvacion Tolentino -- mga magulang ng magkapatid na Tolentino at may-ari ng isang azucalera.
― Valentin -- isang palaboy na kinupkop ni Juan Ceferino at inampon nina Maria Socorro at Antonio Marcial; nanungkulan bilang isang utusan noong una ngunit tinuring na tunay na anak.
― Estella Cortez - inampon ni Antonio Eleazar Cortez; isang batang lumaking inutil at sakitin dahil sa pagmamaltrato ng kinikilalang ama.
♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~
Ika-apat na kabanata:
Takot at Pangamba
~Abril 1857, mansiyon ng mga Tolentino~
Nang malaman kong buntis si Socorro, kinausap ko kaagad si Marcial…
“May isa akong lihim na karapatan mong malaman… Alam kong hindi mo maiintindihan kaya ngayon pa lang, humihingi na ako ng tawad…”
“Ano ba yo’n? May nagawa ka bang kasalanan?”
“Oo…malaki… kahit ang Diyos ay hindi ako magagawang patawarin…”
“…”
“Ginalaw ko ang iyong mapapangasawa… Marcial… Nagmamahalan kami… Noon pa lang, nagmamahalan na kami… Buntis siya ngayon. Dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang aking anak… aming anak…”
“…”
“Hindi ako naririto upang sabihin sa iyong hiwalayan siya… Naparito ako para… sabihin sa iyong agahan ang kasal… at angkinin ang batang isisilang ng iyong mapapangasawa…”
“Binibigay mo ang anak mo sa ‘kin?”
“Wala nang ibang paraan… ayokong patayin ang aking anak… Ayoko rin namang ipaampon siya sa kung kani-kanino na lang…”
“Sige. Pumapayag ako… Sa isang kondisyon… Iiwanan mo ang iyong mag-ina sa akin, mag-aaral ka sa Maynila at pagkatapos ay sa España, papakasalan mo ang aking kapatid at habambuhay na kakalimutan ang mga nangyari sa inyo ni Socorro… pati ang iyong emosyon para sa kanya…”
“Hi-hin-hindi ko alam ku-kung…” “
Kaya mo ‘yan… Alalahanin mo… nakasalalay dito ang buhay ng bata at ang pangalan ng inyong pamilya…”
“Sige. Pumapayag ako… basta’t aalagaan mo sila’t mamahalin… Wala kang ipagsasabi ng lahat nito lalong lalo na sa ating mga magulang at kapatid, maliwanag?” “Maliwanag pa sa araw…”
Isang pagkakamali… Isang napakalaking pagkakamali na aking pinagsisisihan hanggang sa ngayon… Sa aking paglalakad pauwi ay nakabangga ko ang isang walong taong gulang na lalaking nanlilimos sa ilalim ng matinding sikat ng araw…
“Anong pangalan mo bata?”
“Valentin po… kayo po ang mayamang Del Valle, hindi po ba?”
“Ako nga. Valentin? Maaari mo ba akong samahan?”
Pumunta kami sa hacienda… “Ito ang aming hacienda… Nagtatanim kami ng mga punong Mangga at binebenta ang mga bunga nito. At doon… ang aming rancho kung saan namin inaalagaan ang aming mga kabayo…”
“Bakit niyo po ako dinala rito?”
“Dito ka na sa amin tutuloy at manunugkulan… pagkain, damit, at matutulugan bilang kapalit ng iyong serbisyo… At kung magiging mabait ka, maaaring ipasok kita sa eskwelahan… Hindi ka na magugutom at manlilimos…”
“Talaga po? Naku maraming salamat po!”
“Isama mo na rin ang iyong pamilya”
“Ngunit señor, ako na lang po mag-isa ngayon… Nasunog po ang dati naming tinutuluyan ng aking pamilya… Hindi niyo po ba nabalitaan? Sinunog po ng mga Tolentino ang isang parte ng San Rafael na pagmamay-ari ng pamilya Cortez. Nang malinis na ang lupa, tinayuan nila iyon ng kanilang azucalera…”
“Sila ba talaga ang may pakana ng sunog?”
“Opo! Sinisi lang po nila ang mga Cortez para kumampi sa kanila ang mga biktima. Hindi po ba kayo nagtataka kung bakit mahirap na lang sila? Wala nang mansiyon, wala nang eskwelahan, wala nang mga pagmamay-aring lupain… Inisa-isa nilang bilhin ang mga iyon…”
“Ang pamilya Cortez… nasaan na? Bakit si Antonio Eleazar na lang ang natitira?”
“Nilason nila… isa-isa… Pati nga rin ho si señor Antonio muntik nang mamatay eh… kaso, sinuwerte… Nabuhay pa… pero parang mas lalo lang ata siyang minalas…”
“…”
“Nang mabuhay siya, naging isa siyang baliw at pulubi… nakatira siya sa isang dampa ngayon..."
"..."
“Mag-ingat ho kayo señor, maaaring ang pag-iisang dibdib nina señorita Maria Socorro at señor Antonio Marcial ang unang hakbang nila sa pagkamkam ng inyong mga kayamanan…”
Isang linggo na lang at ikakasal na ang aking kakambal kay Marcial… isang linggo na lang ang nalalabi sa akin para makasama siya… Kaya, kasama si Valentin, muli kaming naglaro sa ilalim ng mga punong Mangga, sa gitna ng mga nagtatakbuhang kabayo, muli kaming naligo sa lawa… isang pamilya… ako… siya… at si Valentin at ang batang nasa kanyang sinapupunan… Nagmamahalan… isang panibagong henerasyon ng mga Del Valle…
♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~♦~
No comments:
Post a Comment