Thursday, August 5, 2010

December

Simple lang naman ang pangarap ko sa buhay… magkaroon ng magandang trabaho, magkaroon ng masayang pamilya at mamuhay ng tahimik… ngunit… tila mahirap pa rin atang abutin ang mga ito… para bang… nangangarap akong makarating sa buwan na napakalaki at tila malapit ngunit ilang libong milya ang layo sa ‘kin… wala nang pag-asa para sa ‘kin… para maabot ang mga pangarap ko…

Ah sandali lang ah… oorder lang ako… waiter!

Isa ngang number seven at saka isang number two para sa kasama ko rito… at saka dalawang bottomless na iced tea… salamat!

Siguro bago ka rito… ‘di mo pa alam kung gaano kasasarap ang mga putahe nila rito. ‘Di ba sa maliit na condominium sa kabilang bloke ka lang naman tumutuloy? Bakit ‘di ka pa napapadaan dito? Ako na taga-Quezon city mas madalas pa sa ‘yo rito. Alam mo, maraming ala-ala ako rito… ‘yung iba masaya, ‘yung iba naman… ilang gabi kong iniyakan.

Saan ko ba sisimulan ang kuwento ko?

Ah!

Simulan na lang natin nung nasa high school ako… nung nakilala ko si Kate…

Ayaw kasi ng mga magulang ko na mag-aral ako kung saan-saan kung kaya’t sa university nila ako pinapasok mula elementary hanggang college. Diyan oh… malapit lang dito. Kaya ‘di ka rin magtataka kung bakit madalas ako rito. Minsan nga, nag-cutting classes ako at dito ako tumambay… Bakit kamo? Eh ikaw ba namang magkaroon ng isang teacher na napaka prangka? Eh sa ‘di ko alam ‘yung pinagkaiba ng “moral” at “ethics”… kaya naman, inutusan niya ‘kong tumayo sa likod. Eh siyempre pa… batas ata ako… kaya hayun… tumakbo ako at nakarating dito… iyon ang unang pagkakataon kong tumakas sa klase… kumain dito sa restaurant na ‘to… at higit sa lahat… makilala si Kate…

Ah!

Ito na pala ang pagkain natin… sige kain na tayo… kanina pa ‘ko gutom.

Anyway, nang makarating ako rito, nakita ko nga si Kate. Break nila. Second year kasi siya no’n habang Third year naman ako kaya magka-iba kami ng schedule… Oo, mas matanda nga ‘ko sa kanya pero mas isip bata pa ‘ko. Matalino talaga siya. Talented pa at isang napakagaling na student leader. ‘Di naman sa pinagbabawal pero kadalasan, senior ang nagiging president ng student council ng high school department… Pero siya ang kauna-unahang Second year na naging presidente. Kaya naman nung magkita kami rito, kilalang kilala ko na siya…

Kaming dalawa lang ang nandito… ‘di ko alam kung bakit. Marahil abala ang lahat sa trabaho… sa pag-aaral… at kami? Abala sa pag-iibigan…

Hay… sa isang napakaperpektong lugar, nagkita ang isang dragon at isang diwata… sa una, natakot sila… nahiya sa isa’t isa… subalit naglapit pa rin sila… nagkakilanlan… nagka-ibigan…

Magmula no’n madalas na kaming magkasama. Kung saan-saan na kami nakapunta. Pero ang ‘di ko makakalimutan sa lahat ay nung December no’n… fourth year na ‘ko at siya ay junior high school na. Umalis kaming dalawa at pumunta sa Venice. Winter no’n… umuulan ng niyebe… Inikot namin ang buong lugar. Sumakay sa bangka. Nanood ng mga Opera. Nakinig sa mga konsiyerto nina Pavarotti at Bocelli. Napakasaya namin… Walang kasing saya. At doon sa kanilang sikat na cathedral, nag-propose na ‘ko ng kasal. Sabi niya maaga pa pero wala akong pakialam… Alam kong mahal ko siya at mahal niya rin ako… At habang buhay kaming magmamahalan. Doon ay binigyan ko siya ng kuwintas na puno ng diyamante. Nagtagal pa kami ng isang linggo roon at pagkatapos ay umuwi na kami.

Sa mga sumunod na linggo ay naghanda na kami para sa Prom. Napili siyang lead singer ng isang grupo ng mga kakanta para sa nasabing event. At ako naman ay doon sa mga sasayaw. Sayang, ‘di kami kasama sa Cotillon de Honor… Nais ko pa namang ako ang una niyang makasayaw. Kapag sa disco kasi, baka maunahan pa ‘ko. Pero bahala na…

February 28 no’n, naaalala ko pa, full moon iyon no’n… Eh ang Prom pa naman namin ay ginanap sa malaking hardin ng university namin. Kaya kitang-kita mo ang buwan. Napakaganda… sadyang napakaganda…

Sinundo ko siya sa bahay nila… nakakapagod nga eh. Galing ako nang QC tapos sinundo ko siya sa Makati! Grabe noh? Pero OK lang…

Pagdating doon, nagsimula kaagad ang program at ‘di rin nagtagal, sumayaw na ‘ko. Pagkatapos no’n, kumanta naman sila. Napakaganda niyang tingnan… tila siya isang ibong umaawit ng malumanay habang napaliligiran ng mga nagsisipaggandahang bulaklak…

Makaraan ang ilang sandali pa ay nagsayaw na rin kami sa wakas…

Nang maihatid ko na siya sa bahay nila, ‘di muna siya bumaba ng kotse. Sabi niya “Dean…nagkausap ang mga magulang natin kahapon. Narinig ko ang mga pinag-usapan nila. Kukuha ka raw ng vocational course dahil ‘di ka na kayang tustusan ng mga magulang mo… lalo pa ngayong hiwalay na sila…”

Gusto mo na bang makipaghiwalay sa akin? Bakit? Dahil ba mahirap na lang kami iiwan mo na ‘ko? Dahil ba wala na ‘kong pera? Dahil ba gusto ko nang ibenta itong lecheng kotseng ‘to para lang may makain kami! Dahil ba naghiwalay na ang mga magulang ko? Dahil ba hiniwalayan ng nanay ko ang tatay ko sa kadahilanang nagdodroga siya! Ano! ‘Yun ba ang mga dahilan kung bakit mo ‘ko iiwan!

“… Eh kasi Dean alam mo namang gusto kong mag-doktor ‘di ba? At balak ng mga magulang ko na ipasok ako sa isang eskwelahan sa States… kung mag-aabroad ako at mag-vovocational ka… Bihira na lang tayong magkikita at mag-uusap. Tuluyan na rin tayong paghihiwalayin dahil mistulang langit at lupa na ang pagitan natin… Dean, alam mo namang mahal na mahal kita… kung pwede lang, ‘di kita iiwan dito pero…”

At bakit! Pwede naman tayong mag-sulatan ah! Mag-chat, mag e-mail o mag-tawagan sa telepono! Bakit huh! Ano! Kung langit at lupa na ang pagitan natin, kaya kong akyatin ang mga bundok para maabot ka! Wala akong pakialam sa mga sasabihin nila… Mahal kita! Tandaan mo ‘yan!

“…pero Dean, ‘di ko kayang ipaglaban ka. Matagal akong nabuhay sa anino ng mga magulang ko. Kung anong iniutos nila o ginawa nila… gano’n ang susundin ko. Wala akong magagawa Dean. ‘Di ko kayang talikuran ang lahat, bumaba sa langit… at tuluyang sumama sa ‘yo… I’m sorry Dean. I really have to choose…”



Wala akong nasabi kahit na marami akong gustong sabihin. Wala akong nagawa kahit na marami akong pwedeng gawin. Wala akong silbi. Isa akong basura… isang basahan.

Magmula no’n, ‘di na kami nagkikita at ‘di na kami nag-uusap.

Pumasok ako sa kolehiyo. Pagkatapos lang ng ilang buwan. Caregiver na ‘ko. Nagtrabaho muna ‘ko rito. Saka ako pinayagang lumipad sa Estados Unidos. Doon, nagtrabaho akong maigi hanggang sa naging Amerikano na rin ako pati ang buo kong pamilya, este, ang ibig kong sabihin, pati rin ‘yung nanay ko… ang nalalabing kapamilya ko.

Sa laki ba naman ng Amerika, imposibleng makita ko pa si Kate… pero hanggang ngayon, iniisip ko… nahirapan ba ‘kong hanapin si Kate o tinamad lang akong hanapin siya kaya araw-araw akong naghuhugas ng puwet ng mga kawawang matatandang ‘to na tinutulungan mo na nga eh sila pa itong maninigaw sa ‘yo… parang si Kate… pero iyon ba talaga ang ugali ni Kate o gano’n lang ang naging pagtingin ko dahil iniwan niya ko?

Hay…



Pitong taon na ang nagdaan mula noong nagkahiwalay kami ni Kate…

Pitong taon na ang nagdaan mula noong magbigay ako ng kuwintas sa kanya, tanda ng aking walang hanggang pagmamahal…

Pitong taon na ang nagdaan mula noong nangako akong pakakasalan ko siya…

Ah!

Waiter, dalawang halo-halo nga…

Ah?

Tinatanong mo kung nagkita pa kami? Oo naman. Tapos na siya sa pagdodoktor niya at magtatrabaho na siya. Marahil, tadhana na nga ang nagtakda. Pumasok siya bilang doktor sa “Home for the Aged” na kung saan ako nagtatrabaho bilang caregiver. Muli kaming nagkita… nagkausap… nagka-ibigan…

Pinaliwanag niya sa ‘kin ang lahat. Habang kinuwento ko naman ang mga nangyari sa ‘kin magmula noong iwan niya ‘ko… o sabihin nating… nagkahiwalay kami…

Ulit, naging kami. Pero ngayon, masasabi kong mas maganda na ang relasyon namin… mas matatag…

Magmula no’n, madalas na kaming magkasama. Kung saan-saan na kami nakapunta. Pero ang ‘di ko makakalimutan sa lahat ay nung December no’n… sa Venice…

Hmm… parang dati lang…

Inabot kami ng tag-sibol sa Venice. Mukhang napasarap kami sa ganda ng lugar na pinuntahan namin. Hinanap pa nga namin ‘yung mismong bangkang ginamit namin nung mga binata’t dalaga pa kami.

Well, mga binata’t dalaga pa naman kami. Yun nga lang, mas matatanda na kami. May mga trabaho na… Alam na kung ano ang dapat unahin…

Noong nandoon kami sa Hotel, pagkatapos naming puntahan ‘yung cathedral na pinuntahan namin noon, ay ginawa namin ang isang bagay na matagal na naming gustong gawin… oo… nagsanib ang mga katawan namin… sumayaw ang aming mga kaluluwa… at ang aming mga pusong matagal na nawala at naligaw ay nagkitang muli sa wakas…

Ah!

Hayan na pala ang halo-halo… hmm… ang sarap talaga ng bersiyon nila ng halo-halo…

Ah!

Muli na naman kaming dinalaw ng malas… bakit ba ‘di kami tinitigilan ng problema? Nakakainis na… matagal nang naiistorbo ang mga dapat sana’y magagandang sandali ng aming buhay… matagal na siyang nahihirapan habang ako nama’y matagal ng nasasaktan…

Pagkauwi namin, sinugod ko siya sa ospital. Masama kasi ang pakiramdam niya nung nasa eroplano pa lang kami. Nang magkausap kami ng doktor na tumingin sa kanya, tinanong niya ako kung mayroon bang mga nabanggit sa ‘kin si Kate tungkol sa kalagayan niya. Sabi ko naman, wala…

Siguro gusto ring sabihin ni Kate sa ‘kin ang lahat pero alam niyang masasaktan lang ako kapag sinabi niya sa akin…

“Dean, I’m sorry about your fiancée. For a year, she faced a very serious health problem. She had a tumor before on her left brain. After we held a major operation, we thought that she’s fine. But after three months, she had a tumor again on her right brain and it’s more serious. Now, the tumor has gone but her cancer cells… I’m sorry Dean… She now has a malignant brain cancer… She might die in a few more months Dean… I’m sorry…”



Tama nga ‘yung doktor.

Makalipas ang ilang linggo, nawalan na siya ng paningin at unti unting nawawala na rin ang kanyang memorya… magmula no’n, ako na ang naging caregiver niya… wala na ‘kong magagawa… ni kahit ako nga, ‘di na niya kilala… at ‘di na niya nakikita…

Nang hinihintay na lamang namin ang tuluyan niyang paglisan, dinala ko siya sa isang bahay sa tabi ng dalampasigan ng Miami…

Isang gabi, lumabas siya… wala siyang nakikita kaya ‘di niya namamalayan na nasa dalampasigan na siya at ang kanyang mga paa ay inaabot na ng mga maliliit na alon… pinuntahan ko siya… niyakap… at sa isang iglap… nakilala niya ‘kong muli… gabi no’n… magaganda ang mga bituin lalo na ang buwan…

Kumanta siya… kinanta niya ‘yung kantang madalas niyang inaawit sa ‘kin…

I'll be seeing you in all the old familiar places
That this heart of mine embraces all day through
In that small cafe, the park across the way
The children's carousel, the chestnut trees, the wishing well

I'll be seeing you in every lovely summer's day
In everything that's light and gay
I'll always think of you that way
I'll find you in the morning sun
And when the night is new
I'll be looking at the moon
But I'll be seeing youI'll be seeing you in every lovely summer's day
In everything that's light and gay
I'll always think of you that way
I'll find you in the morning sun
And when the night is new
I'll be looking at the moon
But I'll be seeing you

Pagkatapos niyang umawit, tumahimik ang buong paligid… kapayapaan… ‘yun ang tanging naramdaman namin no’n… kapayapaan…

“Dean… mahal mo ba ‘ko?”

“Kate… iniibig kita… at ‘yun ay magpakailanman…”

“Hinintay mo ako… hindi ka muling umibig pagkatapos kitang iwan.”

“Iyon ay dahil… ikaw lang ang tangi kong minahal…”

“At minamahal…”

“At mamahalin hanggang sa huli kong hininga…”

“Dean”

“Kate”

Naglapat ang aming mga labi na nanumpa sa harap ng dagat at sa ilalim ng buwan na habambuhay na magmamahalan.

…habambuhay…

“Dean… nang mawala ang puso ko… ikaw ang nakakita… ikaw ang kumopkop… ikaw ang nagmahal…”

“Kate… nang paghiwalayin tayo ng ating mga ambisyon… ng ating mga magulang… ng ating mga pusong muli ay naligaw… nalungkot ako… nabuhay ako ng pitong taon bilang isang miserableng tao… Ikaw lang ang nakapagpaligaya sa ‘kin… ikaw lang…”

“Maghihintay ako sa ‘yo… hihintayin kita…”

“Kate…”

“Dean… ipangako mo… hihintayin mo ‘ko… hindi mo tatapusin ang buhay mo para lang makasama ako… bagkus, ipagpapatuloy mo ang buhay mo at hahayaan mong Siya ang magtakda ng tamang oras para muli tayong magkita… ipangako mo…”

“Oo Kate… pangako… at doon sa muli nating pagkikita…”

“Muling magsasama ang dalawang nawawalang puso”

“Muli silang iibig…”

“Hanggang sa dulo ng walang hanggan…”

“Kate…”

“Dean…”

Makaraan pa ang ilang sandali… isang bangkay na lamang ang nasa ‘king tabi… mahigpit ang pagkakayakap… at patuloy pa ring lumuluha…

Pagkatapos naming magtungo sa Venice sa ikalawang pagkakataon…

Pagkatapos ko siyang isugod noon sa ospital…

Magmula no’n, madalas na kaming magkasama. Kung saan-saan na kami nakapunta. Pero ang ‘di ko makakalimutan sa lahat ay nung December no’n… sa dalampasigan… nang iwan niya ‘kong muli…





=END=

No comments:

Post a Comment